EVILMERODAC
I Ang Anting-Anting ay isang talisman na pinaniniwalaang naglalaman ng kakaibang kapangyarihan. Karaniwan na sa paniniwala ng mga katutubo na ito ay nagbibigay ng proteksyon sa nagmamay-ari dito o kaya naman, ito ay nagsisilbing gabay ng may-ari laban sa mga panganib, karamdaman at pati kamatayan. May iba't-ibang katawagan dito: para sa mga Ilokano, ginam-mol o kaya nama'y galing-galing; mutya sa Tagalog; likit sa mga Waray; odom sa mga Bikolano at adimat naman sa mga Muslim.Paraan ng Pagkakaroon:May mga iba't-ibang paraan upang magkaroon ng anting-anting ngunit hindi ito kasing dali ng simpleng pagbili lamang nito. Karamihan sa mga anting-anting na nabibili sa mga bangketa ay walang kapangyarihan o walang bisa, ito ay dahil ang mga anting-anting, bukod sa mahirap makuha, ay bibihira. Ang pinakamadaling paraan upang makakuha ng anting-anting ay kapag binigay ito ng dating nagmamay-ari nito sa isang tao. Mayroon din namang nagsasabi na upang makakuha nito kailangang matalo ang isang higanteng espiritu sa paraan ng pakikipaglaban na tanging kamay lamang ang ginagamit. Mayroon din namang naniniwala na ito ay makukuha sa pamamagitan ng paglulon ng kristal na patak mula sa puso ng saging, sa kalagitnaan ng gabi. Maraming iba't ibang paraan ng pagkuha ng anting-anting ngunit, ang pagnanakaw nito mula sa may-ari ay hindi makabubuti. Kapag ang isang anting-anting ay kinuha ng sapilitan sa may-ari nito o kaya nama'y hindi alam ng may ari na nawala ito, ang anting-anting ay nawawalan ng bisa, kung kaya ang pagnanakaw dito ay walang magiging silbi.Pinagmumulan ng Kapangyarihan:Ang mga anting-anting ay pinaniniwalaang makapangyarihan. Bukod pa sa pinanghahawakang talisman, may kalakip din ang marami sa mga anting-anting na mga dasal at orasyon. Ang mga dasal na ito ang nagpapadali sa may-ari ng anting-anting na tawagin ang mga puwersang nagbibigay kapangyarihan dito. May kakayahan itong tawagin ang mga anghel, demonyo at iba pang mga elemento na nasasakop ng orasyon upang tulungan ang may hawak dito sa mga panahon ng kagipitan.Iba't ibang Uri:May iba't ibang uri ng anting-anting. Pinakapangkaraniwan na uri nito ay ang mga metal na palawit sa kuwintas. Maaari rin namang mga tattoo kagaya ng kay Nardong Putik o di kaya naman ay mga piraso ng papel na may orasyon, samantalang ang ilan ay hindi nangangailangan ng anumang simbolo. Isang uri ng anting-anting ang tinatawag nilang hiyas - isang talisman na nakukuha mula sa mga makapangyarihang bagay mula sa kalikasan. Isa ring uri ng anting-anting ang tinatawag na mutya, na buhat sa mga halaman kagaya ng mga puno ng saging at niyog. Bukod dito, may iba't ibang anyo din ito. Maaring ngipin ng buwaya o ahas, kakaibang bato, sungay ng guinea na ibon, kakaibang ugat, gulugod ng balyena, palikpik ng pating at kung anu-anu pang mga bagay na kakaiba ang itsura at may kakaibang pinag-mulan.Iba't ibang kapangyarihan:Ang mga anting-anting ay may iba't-ibang gamit ayon sa nais ng may-ari nito. May mga anting-anting na ginagamit bilang pampaswerte para sa mga nagsusugal at mangangalakal, o kaya naman ito ay maaaring magamit bilang gayuma para sa pag-ibig. Maaari rin itong maging proteksyon sa anumang masasamang elemento, sa sinumang kaaway o kaya ay sa karamdaman. Pwede ring maprotektahan nito ang may hawak mula sa bala, o kaya maglaho na lang bigla kung kailan naisin. Minsan, ito rin ay pinagmumulan ng kakaibang kakayahan kagaya ng panghihilot, panghuhula o pangungulam.Mga Miskonsepsyon:Maraming mga maling paniniwala ukol sa anting-anting, isa na rito ay ang paniniwala na kasama sa mga kapangyarihan ng anting-anting ang pagbibigay ng tamang mga numero para sa sweepstakes. Bagaman ito ay nagdadala ng swerte, hindi nagbibigay ng eksaktong kombinasyon ng mga mananalong numero. Isa pa ay ang pag-iisip ng marami na kapareho nito ang relihiyon. Ang anting-anting at ang pananalig sa relihiyon ay dalawang magkaibang bagay, bagaman pareho silang nagbibigay ng proteksyon sa mga taong naniniwala dito, ang dalawa ay nakapaloob sa magkaibang konteksto. Maaaring sabihin na ginamit lamang ng mga dayuhang mananakop ang paniniwala ng mga tao tungkol sa anting-anting upang madaling matanggap ng mga ito ang relihiyong ipinapakilala nila.